-- Advertisements --

Iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na masyado pang maaga upang pag-usapan ang posibleng paghalili kay Vice President Sara Duterte sakaling ma-impeach ito.

Binigyang-diin ni Castro na dapat igalang ang tanggapan ng Bise Presidente habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings. Aniya, hindi pa tapos ang paglilitis kaya nararapat lamang na hayaang umusad ang proseso at mabigyan si Duterte ng due process.

“Kung meron na hindi gumagalang sa Pangulo, kung meron nagpapahayag ng negatibo sa pangulo kahit hindi na siya ang irespeto, irespeto nalang natin ang opisina ng bise presidente,” saad ni Castro

Tinawag din ni Castro na premature ang pahayag ni Senador Alan Cayetano kaugnay ng usapin. Dagdag niya, walang sinuman ang dapat magpalagay o magdikta kung ano ang nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa ngayon, iginiit ng Malacañang ang kahalagahan ng paggalang sa proseso at paghihintay sa magiging resulta ng impeachment trial bago talakayin ang posibleng pagpapalit sa Bise Presidente.