Binigyang diin ng Kataas-taasang Hukuman na maaaring magsagawa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman kontra katiwalian nang hindi na hinihintay pa ang Commission on Audit.
Ayon sa Korte Suprema, pwedeng umpisahan ng Ombudsman ang pag-iimbestiga kahit mayroong hiwalay na imbestigasyon ang komisyon sa kaparehong isyu at transaksyon.
Ang naturang paninindigan ay alinsunod sa desisyon isinulat ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh kung saan natukoy ng En Banc ang pananagutan ng ilang opisyal at dating kawani ng Provincial Government of Palawan sa iregularidad ng paggamit sa ‘shares’ ng probinsya sa Malampaya Fund.
Nag-ugat ito sa pag-release ng 2.572-bilyon Piso mula sa naturang pondo para sa ‘development projects’ ng Palawan kung saan halos 1-bilyon Piso inilaan para sa mga proyektong elektisidad, kalusugan, edukasyon at imprastruktura.
Base sa nating ‘special audit’ ng COA, apat na reklamong administratibo ang inihain sa Ombudsman kontra mga opisyal dahil sa iregularidad sa procurement at implementasyon ng mga proyekto.
Sa pag-iimbestiga ng Ombudsman, nadetermina ang pananagutan ng mga ito sa kasong grave
misconduct, serious dishonesty, at gross neglect of duty, siyang pinagtibay ng Court of Appeals.
Subalit kinuwestyon ito ng mga akusado at idinulog sa Korte Suprema sapagkat premature umano ang imbestigasyon dahil hindi pa pinal ang ‘audit’ ng COA.
Ngunit sa naganap na sesyon ng Supreme Court En Banc, pinagtibay ng korte ang natuklasan ng Ombudsman na dapat managot ang mga opisyal.
Iginiit ng hukuman na hiwalay ang kapangyarihan at mandato ng Ombudsman at Commission on Audit.














