Itinanggi ni Capt. Rioklyn P. Toledo ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa nasabat na 521-kilong hinihinalang shabu sa Laos. Ayon sa piloto, nakipagpulong na siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang linawin ang kanyang panig.
Sinabi ni Toledo na handa siyang patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad at iginiit na walang itinatago. Nilinaw din niyang wala umanong kaugnayan sa kasalukuyang kaso ang isang dating isyu sa kanya na ibinasura noong 2012.
Samantala, kinumpirma ng Philippine National Police na inalis sa puwesto at inilagay sa restrictive custody si Police Executive Master Sergeant Aileen Mendoza simula Oktubre 13 habang iniimbestigahan ang umano’y papel nito sa kaso.
Ayon sa mga naunang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla, si Toledo umano ang nag-ayos ng pagkuha sa pribadong eroplano mula Malaysia, habang si Mendoza naman ang pinaghihinalaang tumulong sa pagkuha ng hangar para sa planong pagdadala ng shipment sa Pilipinas. Patuloy pa ang imbestigasyon sa iba pang person of interest.














