Inihayag ni Senator Erwin Tulfo na walang nilabag na probisyon ng Konstitusyon o Rules of Court ang House prosecution panel sa pag-withdraw ng tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ni Tulfo sa puna ng tagapagsalita ni Duterte na si Atty. Paolo Panelo sa umano’y pananahimik ng mayorya ng Senado sa hakbang ng prosekusyon, na ayon sa kanya ay nagresulta sa pag-aaksaya ng hindi bababa sa P1 bilyong pondo ng publiko.
Ayon kay Tulfo, bahagi ng estratehiya ng prosekusyon ang pag-withdraw sa mga artikulo, at maaari ring gumamit ng sariling estratehiya ang depensa sa oras ng presentasyon ng ebidensiya nito. Bagama’t ikinagulat niya ang hakbang, sinabi niyang walang dahilan ang mga senador na pilitin ang prosekusyon na ituloy ang mga binawing kaso kung walang paglabag sa mga patakaran.
Itinanggi rin ni Tulfo na may gumagamit sa panukalang 2027 national budget upang gipitin ang mga senador sa kanilang magiging boto sa impeachment trial. Wala rin umano siyang alam na usapan tungkol sa posibleng pagpapalit kay Duterte kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sakaling mahatulan ang bise presidente.
Sa pag-withdraw ng Articles I, III at IV, Article II na lamang ang natitira sa impeachment trial. Saklaw nito ang mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi ganap na pagsisiwalat ng mga ari-arian at kabiguang mag-divest ng business interests, na itinanggi ni Duterte.














