Nais ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maisulong ang malawakang pagtatanim ng kawayan, bilang isa sa mga pangunahing tugon laban sa El Niño phenomenon at iba pang natural disasters.
Katwiran ng DENR, malaking tulong ang malawakang pagtatanim ng kawayan sa iba’t-ibang kalamidad na tumatama sa bansa, dahil nagagawa nitong pigilan ang pagguho ng lupa, nakakatulong mapanatili ang maayos na imbakan ng tubig para matulungan ang mga magsasaka sa kabundukan na makayanan ang epekto ng El Niño.
Paliwanag ni Environment Secretary Juan Miguel “Mitch” Cuna, mahalaga ang mga solusyong nakabatay sa kalikasan para maprotektahan ang produksyon ng agrikultura at kabuhayan ng mga magsasaka sa gitna ng matagal na tagtuyot.
Ayon sa kalihim, maliban sa tulong ito para matugunan ang mga problema o crisis na dulot ng nagbabagong panahon, maaari pa itong pagkakakitaan ng mga magsasaka o ng sinumang papasok sa bamboo industry.
Ang naturang kampaniya ay bahagi rin ng mga proyekto ng DENR tulad ng mga bamboo ecopark sa Central Luzon, at mga Small Water Impounding System (SWIS) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Saklaw din ito aniya National Greening Program ng na taunang isinusulong ng anumang administrasyon, upang maprotektahan ang ibabaw na bahagi ng lupa laban sa pagkatuyo, pagguho, at pagkasira.
Umaasa ang kalihim na maraming mga Pilipino ang makakakita sa halaga ng regular na pagtatanim ng mga kawayan hindi lamang sa kasalukuyang El Nino kungdi maging sa mga darating na taon.















