Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Singapore Nuclear Research and Safety Institute (SNRSI) nitong Sabado upang alamin ang kakayahan ng Singapore sa nuclear technology, kasabay ng pagsusulong ng Pilipinas sa paggamit ng nuclear energy bilang alternatibong mapagkukunan ng kuryente.
Ayon sa Pangulo, layunin ng pag-aaral na mapalakas ang suplay ng kuryente at makatulong sa pagpapababa ng singil na binabayaran ng mga Pilipino, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente at pagbabago ng klima.
Sa pagbisita, binigyan si Pang. Marcos ng briefing ni SNRSI CEO Low Xin Wei tungkol sa pananaliksik ng institusyon sa nuclear technology at kaligtasan.
Sinabi rin ng Pangulo na mas bukas na ngayon ang maraming Pilipino sa paggamit ng nuclear energy, lalo na sa usapin ng kaligtasan. Dagdag niya, mayroon ding mga propesyonal ang bansa na maaaring magamit sa pagpapaunlad ng sektor, kasunod ng mga naunang karanasan ng Pilipinas sa nuclear power.
Ayon kay Pang. Marcos, nasa unang dalawang yugto na ang Pilipinas ng paghahanda para sa posibleng paggamit ng nuclear energy.
















