Isinusulong ng House Committee on Agriculture and Food na maitaas ang budget ng Department of Agriculture (DA). Ito ay kasunod ng banta ng patuloy na umiiral na El Niño at iba pang suliranin sa sektor. Kakatapos lamang matalakay ang usaping ito sa Budget and Review Subcommittee ng Mababang Kapulungan.
Dagdag pa sa ikinonsidera sa inisyatibong ito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Isa kasi ito sa mga pangunahing gastusin at inaasahan ng mga magsasaka at mangingisda sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Sa usapin naman ng food security, inihayag ni Committee Chairperson Rep. Mark Enverga na nakaantabay ang National Rice Program ng pamahalaan. Layunin nitong alalayan ang mga apektadong mamamayan at tiyaking sapat ang supply ng pagkain sa bansa.
Kasama rin sa hakbang ang pagsiguro na magpapatuloy ang pamimigay ng fertilizer assistance sa mga magsasaka. Mahalaga ito upang makabawi ang sektor mula sa mga nalugi nitong pananim at mapataas muli ang lebel ng produksyon.
Naglaan din ng pondo para sa pagpapatayo ng mga cold storage facility. Ito ay upang mapangalagaan ang mga ani ngayong tag-init, partikular ang mga high-value crop na mabilis mabulok at masira sa mataas na temperatura.
Bukod sa pagkain, kinikilala rin ng komite ang banta ng kakulangan sa tubig dahil sa matinding tagtuyot. Kaugnay nito, isinusulong nila ang mas malawak na paglalagay ng solar pump irrigation systems sa mga sakahan.
Pagtutuunan din ng pansin ang mabilisang rehabilitasyon ng mga umiiral nang irrigation system. Ayon sa komite, mas mabilis at mas praktikal na gawin ang restoration sa mga low-lying fruit irrigation kaysa sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad para agad na mapalakas ang daloy ng tubig.
Binigyang-halaga rin sa talakayan ang sektor ng livestock. Kabilang dito ang paglalaan ng tulong sa animal industry gamit ang nasa P20-billion Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF) para sa modernisasyon at repopulation ng livestock at poultry.















