-- Advertisements --

Kinukonsidera ng pamahalaan na itaas sa 80 hanggang 90 percent ng populasyon ang target na mabakunahan kontra COVID-19 para maabot ang herd immunity.

Kasabay nito ay inamin ni vaccination czar Secretary Carlito Galvez Jr. na nagresulta sa setback pagdating sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan sa pag-abot ng herd immunity sa pamamagitan ng pagbabakuna ang pagkalat ng mas nakakahawang Delta coronavirus variant.

Dahil sa bagong konsepto na kanilang kinukonsidera, sinabi ni Galvez na posibleng sa first quarter na ng 2022 maabot ang inaasam na vaccination target.

Magugunita na ang initial vaccination goal ng pamahalaan na 70 percent ng populasyon para sana sa katapusan ng taon ay katumbas ng 77 million Pilipino.

Ayon kay Galvez, pipilitin pa rin nilang maabot ang 77 million katao na ito bago pa man matapos ang taon/

Sa ngayon, mahigit 15 million indibidwal pa lang ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa Pilipinas hanggang noong September 5.