Hinimok ng 9 na alkalde ng Negro Oriental ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections dahil sa matagal na umanong “atmosphere of terror” matapos ang brutal na pagpatay kay dating Governor Roel Degamo.
Ito ay nakapaloob sa inilabas na isang joint statement nitong linggo na nilagdaan ng byuda ng Gobernador na si Pamplona Mayor Janice Degamo, kasama ang mga alkalde ng Dauin, San Jose, Dumaguete, Bindoy, Siaton, Ayungon, Guihulngan, at Tayasan.
Sinabi ng mga alkalde na nagdulot ng matinding pagkabahala sa kapayapaan at seguridad sa probinsiya ang pagpatay kay Gov. Degamo at 9 na iba pang indibidwal kahit maliwanag pa ang sikat ng araw at sa mismong loob ng bahay nito sa Pamplona ginawa ang krimen.
Marami ding iba pang mga pagpatay at panggigipit ang nangyari aniya sa nakalipas na mga taon kung saan karamihan sa mga salarin ay nananatiling nakalaya pa rin.
Binanggit din ng mga alkalde na ang “atmosphere of terror” na nananatili sa lalawigan sa loob ng mahigit isang dekada mula sa harassment, pagpatay, at pananakot na nagdulot ng malalim na takot sa mga botante sa Negros Oriental.
Saad pa ng mga local chief executives na nagdulot ang takot na ito sa mga botante ng pag aalangan na manindigan laban sa mga makapangyarihang pulitiko at mga taktika ng harassment ng mga ito.
Ayon sa mga lokal na punong ehekutibo, ang pagpapaliban sa botohan sa loob ng isang buwan ay kinakailangan upang matugunan ang mga concern sa kapayapaan at seguridad na bumabagabag sa lalawigan at bigyang-daan ang strategic coordination sa pagitan ng Comelec at law enforcement agencies na palakasin ang mga hakbang para sa seguridad.
Nakatakda ngang magsimula ang panahon ng halalan ngayong taon para sa mga opisyal ng barangay at youth council sa Agosto 28 kung saan ang araw ng halalan ay nakatakda sa Oktubre 30.
Nauna nang sinabi ng Comelec na isasagawa sa Setyembre ang isang proper hearing sa pagpapaliban ng naturang halalan kasunod ng panukala ni Senador Francis Tolentino na ipagpaliban ang botohan dahil sa political violence.