KORONADAL CITY – Nasa mabuting kondisyon na ang siyam na buwang sanggol sa lungsod ng Cotabato matapos natuklasan itong nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Arjohn Gangoso, health education and promotions officer ng DOH-Region 12, patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng naturang sanggol habang naka-confine sa Cotabato Regional and Medical Center.

Maliban dito, stable rin ang kalagayan ng 11-anyos na pasyente ng COVID-19 dahil sa mahigpit na pagbabantay ng mga nurse sa kanila.

Lumabas namang negatibo sa nasabing virus ang kanilang mga magulang kabilang na ang mga nakasalamuha ng mga ito.

Batay sa pinakahuling datos ng tanggapan, nasa 24 ang kumpirmadong kaso at 16 na ang gumaling sa naturang sakit.