-- Advertisements --

Ibinida ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na handa na ang karamihan sa mga bagong bus stop na ipinwesto ng pamahalaan sa kahabaan ng EDSA.

Sa isang panayam sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago, 12 o 80-percent mula sa 16 na bus stop ng “EDSA Busway” ang handa nang ipagamit sa mga commuter at pampublikong bus.

Ang bawat bus stop ay kumpleto raw ng waiting sheds, markings para sa physical distancing at barikada.

Una nang sinabi ng MMDA na papalitan din nila ng steel separators ang mga concrete barriers na kasalukuyang naka-pwesto.

Sa ngayon hinihintay na lang daw ng MMDA ang clearance mula sa Department of Public Works and Highways para mabuksan ang bus stop sa bahagi ng Buendia, Taft Avenue, Kamuning at Pasay.

Simula noong June 1, pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga city bus na magbalik operasyon matapos ang ilang buwan na pagsasailalim sa mahigpit na community quarantine ng Metro Manila.