CEBU CITY – Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Cebu ang malaking sunog na sumiklab sa Sitio Panting, Barangay San Roque sa Lungsod ng Cebu.

Kabilang sa natupok ng malaking apoy ang hindi bababa sa 80 bahay at umabot sa P800,000 ang danyos nito.

Ayon kay Cebu Provincial Fire Marshall Fretzie Manatada, inaalam pa nila kung ano ang dahilan ng naturang sunog na itinaas hanggang sa Task Force Alpha.

Sinabi naman ng barangay councilor na si Duke Espina na naputol umano ang electric wire mula sa isang poste at nahulog ito sa isang bahay kaya sumikab ang apoy.

Nabatid na nagpalipas ng gabi ang daan-daang mga apektadong pamilya sa gymnasium ng Barangay San Roque.

Samantala, inaasahang isasailalim ang barangay sa state of calamity upang mapabilis ang paghatid ng tulong sa mga nasunugan

XXX