Bumiyahe patungong France ang walong Senador ng Pilipinas para makipagkita sa kanilang counterparts at para talakayin ang bilteral relations sa pagitan ng Pilipinas at France.
Pinangunahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Joel Villanueva, at Deputy Majority Leader JV Ejercito ang delegasyon ng Pilipinas.
Sa isang statement, sinabi ni Senator Legarda na ilan sa kanilang tatalakayin ang mga usapin na may kinalaman sa environment at blue economy.
Inilarawan ng Senadora ang isasagawang pagpupulong sa naturang mga usapin na napapanahon at mahalaga dahil konektado ito sa isyu sa climate change na itinuturing na top concern ng buong mundo.
Saad pa ni Senator Legarda na isang pagkakataon ang naturang pagpupulong para ma-assess ang matatag na ugnayan ng ating bansa sa French Republic at talakayin kung paano pa mapapalago ang pagkakaibigan at kooperasyon lalo na pagdating sa areas of concern sa pagitan ng Pilipinas at France.
Tinutukoy ni Legarda ang Paris Climate Accord na isang treaty o kasunduan na in-adopt noong 2015 ng mga miyembro ng United Nations Framework Convention on Climate Change.
Nakatakda ding talakayin ang usapin sa ekonomiya, defense, food security, at people-to-people relations.
Makikipag-kita ang mga Senador ng bansa kay France-Southeast Asia Parliamentary Friendship Group na pinangungunahan ni Senator Mathieu Darnaud.