BUTUAN CITY – Nakatakdang sampahan ng kaso ang walong magkakamag-anak na umano’y mga miyembro ng “Budol-budol” Gang matapos itong nahuli sa police checkpoint sa Sibagat, Agusan del Sur kamakailan.

Sakay sa Tamaraw FX ang mga suspetsadong sina Fernandito Espada, driver, 57; Fely Espada, 67; Fernandito Espada Jr., 27, na mga residente ng Purok Santol, Brgy. Filomena, Cateel, Davao Oriental; Hero Manalo, 25; James Zacary Demellites, 31; Lizel De Guzman, 40; Erleen Villarino, 44; at Roselle Ello, 27, pawang taga-Purok Ningas sa nasabi ring lugar.

Napag-alamang patakas na ang mga ito matapos biktimahin si Marlyn Hontanosas Erizo, 63, sa bahagi ng Donasco Street, Brgy Bag-ong Lungsod, Tandag City, Surigao del Sur alas-11:30 ng umaga.

Base sa imbestigasyon, namili lamang ang biktima nang palihim na kinuha ng mga suspek ang pitaka na nakalagay sa kanyang shoulder bag na may lamang P15,000.

Ang nasabing insidente ay nakunan ng CCTV footage dahilan kaya agad na nakipag-ugnayan ang Tandag City Police Station at nagsagawa ng hot pursuit operation.

Alas-4:35 ng hapon nang pinahinto sa Sibagat Municipal Police Station ang sasakyan sa kanilang checkpoint.

Positibo naming kinilala ng Tandag City police at biktima ang nasabing mga suspek na nasa kustodiya ngayon sa Sibagat police station para sa karampatang disposasyon.