Reading Time: 1 minute

CAUAYAN CITY – Nag-iwan ng walong kataong sugatan ang bumaliktad na jeep sa Barangay De Vera, Cauayan City, kaninang umaga lamang.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula kay dating Barangay Kagawad Nenita Ramos ng De Vera, sinabi niya na kukuha sana ng grants sa 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ang mga sakay ng jeep mula sa Dicamay, San Mariano, Isabela.

Nang makarating ang jeep sa pakurbang bahagi ng daan sa Barangay De Vera ay nadulas umano at natumba sa gilid ng daan dahil sa mga putik sa ibabaw ng sementadong daan.

Sa talaan ng Rescue 922, walo sa mga sakay ng jeep ang nagtamo ng mga sugat sa katawan kabilang ang buntis na nawalan pa ng malay at agad dinala sa ospital.

Nilapatan na ng Rescue 922 ng paunang lunas ang mga nasugatang sakay ng jeep.