-- Advertisements --
image 259

Tinanggal ang nasa 8 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno matapos mahuling sangkot sa iligal na droga sa ikinasang buy bust operation ng mga kapulisan.

Ayon kay Laguna police chief Col. Randy Glenn Silvio, apat sa benepisyaryo ng 4Ps ay mula sa bayan ng Liliw, tatlo mula sa Alaminos at isa mula sa Kalayaan.

Kaugnay nito inirekomenda ang pagtanggal sa mga suspek mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng anti-poverty reduction program ng gobyerno base na rin sa Department of Social Welfare and Development Memorandum Circular No. 038 series of 2020.

Nakasaad sa naturang memorandum na papatawan ng sanctions at disciplinary measures ang mga benepsyaryo na masasangkot sa anumang labag sa batas at ipinagbabawal na mga gawain gaya ng sugal, paggamit ng grants para sa pagbili ng alak, iligal na droga at iba pa.

Sinabi din ng police official na ginagamit lamang ng mga naarestong suspek ang kanilang cash grant mula sa gobyerno para sa kanilang iligal na droga at pagsusugal sa halip na para sa pagtataguyod ng ikabubuti ng kanilang pamilya.