Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa pagkonsumo ng lahat ng uri ng shellfish at “alamang” na nakalap mula sa walong lugar dahil sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide.
Sinabi ng BFAR na nagsagawa ito ng mga pagsusuri sa mga shellfish na nakolekta mula sa mga sumusunod na tubig sa baybayin at ang mga ito ay napag-alamang positibo sa red tide:
-Dauis sa Bohol
-Tagbilaran City sa Bohol;
-Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur;
-Lianga Bay sa Surigao del Sur;
-Baybaying tubig ng San Benito sa Surigao del Norte
-Baybaying tubig ng Milagros sa Masbate;
-San Pedro Bay sa Samar; at
-Matarinao Bay sa Silangang Samar
Ayon sa BFAR, lahat ng uri ng shellfish at “alamang” na nakukuha sa mga lugar na nabanggit ay hindi ligtas para sa pagkonsumo ng tao.
Gayunpaman, ang mga isda, pusit, hipon, at alimango mula sa mga lugar na ito ay ligtas na kainin ng tao bastat ito ay nalinisan ng maigi.