Nananatiling malaking problema ng Department of Information and Communications Technology(DICT) Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang malaking bilang ng mga temporaryo nitong mga empleyado.
Sa inilabas na audit report ng Commission on Audit(COA) sa naturang unit, tatlo sa bawat apat na empleyado o katumbas ng 76.55% ay nagsisilbi sa limitadong panahon.
Sa pagtatapos ng 2022, mayroon itong 226 na empleyado kung saan 173 sa kanila ay na-hire sa sa ilalim ng contract-of-service (COS).
Mula sa 173 na empleyadong may limitadong kontrata, 96 sa kanila ay nagtatrabaho sa ilalim ng sensitibong section ng CICC.
Kinabibilangan ito ng mga sumusunod: 43 sa kanila ay nasa ilalim ng Intelligence Processing Division (IPD); 33 sa ilalim ng Administrative Division (AD); at 17 sa Digital Analytics Division (DAD).
Ang iba pang nalalabing contract of service workers ay nasa ilalim ng Finance Division na may 11; siyam sa Investigation Division, at karagdagang siyam na iba pa sa Office of the Executive Director.
Ayon sa COA, ang Cybercrime Investigation Office(CIO) ay humahawak ng mga cybercrime investigation, cyber intelligence, at digital forensics, ngunit sa kasalukuyan ay mayroon lamang itong sampung plantilla positions kung saan ang karagdagang 59 na empleyado nito ay sa ilalim ng contratc of service ay nare-renew lamang ang kanilang mga kontrata kada taon.
Ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ay ang division sa ilalim ng DICT na naatasang gumawa at magpatupad ng national cybersecurity plan sa buong bansa.