CEBU CITY – Nasa ligtas na kalagayan na ang pitong sakay ng isang motorbanca matapos itong nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Barangay Taytay, Danao City, Cebu, kagabi.

Bumiyahe ang naturang motorbanca mula Camotes Island, ngunit pumalya ang makina nito nang paparating na sa Danao Port.

Sakay ng motorbanca ang operator na si Petronilo Cularte, at mga pasaherong nagngangalang Candyce Macatangay, Lily Rose Musil, at Celedinio Jevelanios Jr.

Lulan din ang mga taga-Finland na sina Johanna Todeer, Lassi Tolonen, at Swiss national na si Pawel Patterson.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG-7 na si Lieutenant Jr. Grade Michael John Encina, rumesponde agad ang Coast Guard-Danao Station matapos na magpasaklolo ang isa sa mga pasahero.

Pinasalamatan naman ng PCG-7 ang Coast Guard Station sa Danao dahil sa mabilis nitong pag-rescue sa mga pasahero.

Sa ngayon, kinansela ng Coast Guard ang lahat ng biyahe ng vessel sa Cebu at Bohol matapos isinailalim sa signal No. 1 dahil sa Bagyong Ursula.