-- Advertisements --

Sinampahan na ng kaso ang pitong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na sangkot umano sa marahas na hazing na gumamit ng muriatic acid laban sa mahigit 20 plebes sa Silang, Cavite.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 4-A, nahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 11053 ang limang 3rd Class Cadets at dalawang 2nd Class Cadets.

Kabilang din sa mga kinasuhan ang isang Tactical Officer na may ranggong Police Major at isang Tactical Police Non-Commissioned Officer na may ranggong Police Senior Master Sergeant dahil sa umano’y pagkukulang sa pagbabantay at pagpapatupad ng disiplina.

Isinampa ang kaso ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa tanggapan ng piskalya sa Imus City.

Sa imbestigasyon, lumabas na naganap ang insidente noong Abril 3 sa loob ng PNPA barracks sa Silang. Tatlong kadete umano ang direktang nagbuhos ng muriatic acid sa mga cadets student.

Dahil dito, nagtamo ng matinding paso ang mga biktima, partikular sa kanilang likod at iba pang sensitibong bahagi ng katawan.

Naaresto sa follow-up operations ang tatlong kadete na itinuturong pangunahing sangkot sa insidente.

Samantala, iniulat din na pinanood lamang ng iba pang kadete ang pangyayari at hindi agad umaksyon upang pigilan ang pananakit.