Ikinagalak ni Sen. Bong Go, na siya ring chairman ng Committee on Health and Demography Christopher ang pagkakapasa na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang pitong local hospital bills.

Layunin ng mga nasabing panukalang batas na pagandahin ang pagbibigay ng medical at healthcare services sa mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga panukalang batas ang isa na naglalayong itatag ang Bicol Women’s and Children’s Hospital sa Camarines Sur; palawakin ang kapasidad ng Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, Western Visayas Medical Center sa Iloilo City, Siargao District Hospital sa Surigao del Norte, Malita District Hospital sa Davao Occidental, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center sa Las Piñas City at Cagayan Valley Medical Center sa Cagayan.

“Sana sa pandemic natin ngayon, huwag nating tagalan ang mga priority bills, lalong lalo na involving health,” ani Sen. Go.

Sinabi ni Sen. Go, habang nahaharap sa COVID-19 pandemic, mahalagang mapabuti ang mga government health facilities.

Ayon sa mambabatas, sa kakaikot nito sa buong bansa, napakadaming ospital kung saan nakahilera na lang sa tabi sa corridor ang dalawang pasyente sa isang kama. Kaya umano lalo na sa panahon ngayon, nagkakahawaan na dahil sa kakulangan ng health facilities.

“We aim to capacitate our government hospitals, especially in the provinces. This is also in line with the Balik Probinsiya initiative of the government.”