Tricity Medical Center
-- Advertisements --
Tricity Medical Center

Inirekomenda ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal sa pitong opisyal at staff ng Tricity Medical Center dahil sa umano’y maanomalyang claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay NBI-Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, kabilang sa mga pinasasampahan ng kaso sina Enrico Cruz, Hospital Administrator at Member of the Board of Directors ng Tricity Medical Center, Dr. Gjay Lalu Ordinal, Dr. Froilan Antonio De Leon at Dr. Lourdes Rhoda Reyes Padilla na lahat ay mga doctors ng Tricity Medical Center.

Kabilang pa rito sina Cherry Catalan Flores, registered nurse ng naturang hospital, Arlene Joy Sebuc, Philhealth Staff ng Tricity Medical Center at Svend Agodilos Rances na isang hospital clerk.

Ayon kay Distor, nag-ugat ang imbestigasyon sa pitong indibidwal sa natanggap ng NBI-Anti Graft Division (NBI-AGD) na intelligence information noong Enero 8, 2020.

Mayroon umanong nagpa-facilitate o nagki-claim sa reimbursement mula sa PhilHealth sa hemodialysis patients pero kalaunan ay lumabas na hindi pala nag-e-exist ang naturang mga claims at ang iba pa rito ay patay na.

-- Advertisement --

Dahil dito, agad namang nagsagawa ng imbestigasoyn ang NBI-AGD para tignan kung may katotohanan ang naturang impormasyon.

Dahil sa masusing imbestigasyon na tumagal ng isang taon, lumalabas na nasa 318 fraudulent claims na may kabuuang halagang P824,200 na inihain ng Tricity Medical Center base na rin sa sa mga naitalang petsa ng Hemodialysis Treatment kahit namatay na ang pasyente.

Ipinunto rin sa imbestigasoyn na mayroong malaking posibilidad na ang fraudulent claims ay mas mataas pa base sa record noong 2016 hanggang 2019 Philhealth database na mayroong maanomalyang claims na P4,308,000 na kinasasangkutan din ng mga pasyente.

Dahil dito, inirekomenda ng NBI sa DoJ ang pagsasampa kasong Estafa at paglabag sa Section 44 ng R.A. 7875 o “National Health Insurance Act of 2013.