BAGUIO CITY – Nag-iwan ng anim na kataong patay ang banggaan ng tatlong truck sa Marcos Highway, partikular sa Bontiway, Poblacion, Tuba, Benguet kaninang madaling araw.

basura marcos highway accident 2 June 8

Ayon kay P/Maj. Dominador De Guzman, hepe ng Tuba Municipal Police Station, binabaybay ng garbage truck ng Baguio City na may plakang SKR 634 at minamaneho ng isangn Mark Collantes ang nasabing kalsada patungo ng lowland.

Gayunman, habang pababa ito sa kalsada ay nawalan ng kontrol sa manibela ang truck driver na nagresulta para masalpoj nito ang sinusundang dump truck na may plakang NFZ 7477 at minamaneho ng nagngangalang Merson Manalastas.

Dahil sa lakas ng pagbangga, nabunggo ng dump truck ang harap ng isang trailer truck na may plakang RHK 439 na pataas ng kalsada patungo sa Baguio City.

Nagpatuloy sa pagbaba ng kalsada ang garbage truck hanggang sa bumangga ito sa right-side concrete barrier ng kalsada at tumagilid.

Nagresulta ang insidente sa agarang pagkamatay ng apat na kalalakihan at sa pagkaka-ospital ng anim na iba pa bagaman dalawa sa mga ito ang namatay.