Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang ilang dating opisyal ng National Printing Office (NPO) mula sa kasong graft kaugnay na maanomalyang pagbili ng official forms noong 2011.

Batay sa desisyon ng 5th Division na may petsang August 30, nakasaad na bigong madiin ng prosekusyon sa kaso ang mga akusadong sina Emmanuel Andaya, Sylvia Banda, Josefina Samson, Ma. Gracia Enriquez, Antonio Sillona at Bernadette Lagumen.

Nag-ugat ang kaso ng anim matapos umanong paboran ng mga ito ang JI Printers sa paggawad ng P3.6-milyong halaga ng kontrata para sa personalized accountable forms na ni-request noon ng Cebu Provincial Treasurer.

Pero ayon sa anti-graft court, hindi maituturing na paglabag sa batas ang “emergency procurement” na dinaanan ng kontrata.

Maituturing pa rin daw kasi itong normal na procedure sa ilalim ng mandatong sinusunod ng NPO.

“The prosecution has the duty to prove each and every element of the crime charged in the information to warrant a finding of guilty for the said crime or for any other crime necessarily included therein.”

Ipinagutos ng korte ang pag-aalis ng bond at hold departure order na ipinataw sa mga akusado.

Una ng sinibak ng Office of the Ombudsman noong 2015 ang anim dahil sa reklamong grave misconduct kaugnay ng graft case.