NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang dalawa pa matapos araruhin ng kotse sa Pili, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Felipe Pedimonte ng Barangay San Jose, sinabi nitong pauwi na sana ang mga biktima ngunit nang tatawid na ang mga ito sa pedestrian lane nang biglang inararo ng kotse na minamaneho ng isang Ramil Cantura.

Ayon kay Pedimonte, nawalan ng kontrol sa manibela si Cantura kaya nagtuloy-tuloy ito hanggang sa nabangga ang mga estudyante.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa ulo ang anim na taong gulang na bata na naging dahilan ng agarang kamatayan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.