Aabot na sa 51 reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test kits ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) para magamit sa testing ng COVID-19 sa bansa.

Batay sa inilabas na bulletin ng FDA na may petsang June 2, lima ang nadagdag sa bilang ng mga aprubadong kits para sa confirmatory test.

Kasama nasa nasabing total ang GenAmplify Corona Virus Disease-2019 RT-PCR detection kit na dinevelop ng mga eskperto mula sa University of the Philippines.

Ang bilang naman ng rapid antibody test kits na aprubado na rin ng ahensya para magamit sa testing ay nasa 81, dahil naman sa anim na bagong na-approve.

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na nananatiling “gold standard” ang paggamit ng RT-PCR test kits dahil ito ang inirerekomenda ng World Health Organization.

Pinahihintulutan ng Health department ang paggamit ng rapid kits, maliban sa personal na consumption.

Kailangan daw kasi na may medical professional na gagabay sa paggamit nito dahil posibleng maglabas ng “false positive”at “false negative” results ang rapid kits.

Sa huling tala ng DOH nitong Huwebes, June 4, pumalo sa 634 ang bilang ng mga naitalang bagong kaso ng COVID-19. Umakyat na sa 20,382 ang total.