Sumukong NPA
Sumukong NPA

CENTRAL MINDANAO – Pagod na at gustong mamuhay ng mapayapa kaya sumuko umano ang limang mga rebelde sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga sumuko ay pinangunahan ng isang Kumander Kinis Biya at mga tauhan nito na sina Target Mulao, Allan Caballero, Bansil Mantikayan at Nastro Timan mga residente ng Sitio Balikakaban, Brgy Dalgan, Pagalungan sa Maguindanao.

Ayon kay 602nd Brigade commander Brig. Gen. Robert Capulong na sumuko ang limang mga miyembro ng armed lawless group (ALG) sa pwersa ng 7th Infantry Battalion Philippine Army na pinamumunuan ni Lt Col Niel Roldan.

Dala ng limang rebelde sa kanilang pagsuko ang isang M16 armalite rifle, isang 12-guage shotgun, isang rocket propelled grenade, mga magazine at mga bala.

Ang pagsuko ng limang ALG sa militar ay nakatulong daw ng malaki sa plano sana nilang pagsanib sa Dawlah Islamiya Terror Group sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilalim ng grupo ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife.

Nagpasalamat naman si 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Diosdado Carreon sa mga opisyal ng bayan sa Pagalungan, Maguindanao sa pangunguna ni Mayor Salik Mamasabulod na tumulong sa pagsuko ng mga rebelde.

“I am grateful to the local government of Pagalungan that helped influenced the group’s leader and his followers to return to the folds of law,” ani Carreon.

Nanawagan ngayon si General Capulong sa mga NPA,BIFF at ibang mga armadong grupo na sumuko na,mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga mahal na pamilya at tutulungan pa sila ng pamahalaan.