DAVAO CITY – Lima na ang naitalang patay sa karambola ng apat na mga sasakyan sa Brgy. Canocotan, lungsod ng Tagum, Davao del Norte na nagyari dakong alas-7:00 nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa Traffic Section ng Tagum City PNP, unang nasangkot sa aksidente ang motor na minaneho ng isang Jerson Galan at ang pick-up na minaneho ng isang Robert Pingkian, 50, residente ng Davao City.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SSgt. Randy Tino na nabangga ng pick-up ang likurang bahagi ng motor na may apat na sakay kaya sumalpok ito sa kasalubong na bus na gamit ng isang Roberto Dayan, taga-Braulio E. Dujali, Davao del Norte.

Pumailalim sa bus ang motor dahilan upang bawian ng buhay ang lahat ang apat na mga sakay nito, pati si Galan.

Nabangga din ng pick-up ang kasalubong na isa pang pick-up na pinapatakbo ng isang Reol Albeja.

Sa ngayon, nakaburol na ang bangkay ng mga biktima sa isang punenarya sa siyudad, samantalang nagpapatuloy naman ang karagdagang imbestigasyon ng Tagum City Police Office.