Pasado sa pamantayan ng Philippine National Police (PNP) ang mga lugar na tinukoy sa Memorandum Order No. 32 para mapabilang ang mga ito sa election hotspot.

Ayon kay PNP spokesman C/Supt. Benigno Durana, pumasok sa kanilang pamantayan para ideklarang election hotspot ang Bicol, Samar, Negros Oriental at Negros Occidental.

Bukod aniya kasi sa presensya ng mga tinatawag na communist terrorist groups, talamak din dito ang private armed groups (PAGs) at mataas din ang antas ng krimen sa mga nabanggit na lugar na may kinalaman sa halalan.

Gayunman, sinabi ni Durana na bagama’t may hawak na silang inisyal na listahan ng mga posibleng maging election hotspot, hindi pa nila ito maisapubliko hangga’t hindi pa nila ito nailalatag sa Commission on Elections at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang mga inilatag na pamantayan ng PNP para maging election hotspot- una ay kung malakas ang presensya ng mga lawless elements sa isang lugar tulad ng New People’s Army, PAGs, at gun for hire groups; ikalawa ay kung mainit ang bakbakan sa pagitan ng mga politikong tatakbo sa halalan sa isang lugar; at kung nagkalat dito ang mga armas.