NAGA CITY – Sugatan ang limang katao matapos mahulog sa irrigation canal ang isang pampasaherong tricycle sa Brgy. Camambugan, Libmanan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emyrose Organis, spokesperson ng Libmanan PNP, sinabi nitong base sa imbestigasyon, habang binabaybay ng sasakyan ang kalsada patungo sa Barangay Tarum, nasilaw umano ang driver ng tricycle na si Arnulfo Magalona sa ilaw ng kasalubong na sasakyan resulta para mahulog ang gulong ng sasakyan sa gutter at nagtuloy-tuloy sa irrigation canal.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng tricycle at apat na pasahero nito.

Agad namang naka-responde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng lugar at dinala sa
ospital ang nasabing mga biktima.

Sa ngayon kasalukuyang nagpapagaling ang mga biktima sa ospital habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing aksidente.