Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang lahat ng mga kandidato na maging mahinahon at iwasan na magkasitan upang makamit ang maayos at mapayapang halalan.

Kaugnay nito, umaasa si Albayalde na hindi na madadagdagan ang mga election related incidents kung saan bumaba sa 75% ang mga naitala nila kompara sa mga nakalipas na halalan.

Batay sa datos ng PNP, 166 ang mga insidente na may kinalaman sa eleksyon noong 2010 elections, 109 naman noong 2013 at 133 noong 2016.

Sa ngayon aniya, nasa 26 election related incidents ang kanilang naitala sa pagsisimula ng election period noong Enero.

Naniniwala naman si Albayalde na ang dahilan ng pagbaba ng mga insidente ay dahil sa pinalakas na checkpoint operations at ang umiiral na gun ban.

Siniguro ni Albayalde na 100 percent nang handa ang PNP para sa halalan sa Lunes, May 13.

Naka-pokus din ang PNP at Armed Forces of the Philippines sa mga lugar na nasa election hotspots partikular ang Mindanao.