DOH health advisory corona virus

CEBU CITY – Nasa stable condition na ang limang taong gulang na bata matapos itong na-isolate sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Cebu dahil nakitaan umano ito ng sintomas ng coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Rene Josef Bullecer, sinabi nitong nakausap niya ang doktor sa nasabing bata at kinumpirma nitong nasa maayos na kondisyon na ang bata at wala na rin itong sintomas ng virus.

Ngunit giit ni Dr. Bullecer na isasailalim sa obserbasyon ang nasabing limang taong gulang na bata.

Una nito, noong Enero 12 dumating sa Cebu ang mag-ina mula sa Guangzhou, China at napag-alamang mula sa Wuhan City ang ina nito.

Matapos makitaan ng ilang mga sintomas gaya ng ubo, dinala agad ito sa pagamutan at nakuhanan ng laboratory samples.

-- Advertisement --

Kaugnay nito ay ipinatupad na ng Mactan Cebu International Airport ang heightened surveillance lalong-lalo na sa mga pasahero na galing sa China partikular na sa Wuhan City.

Gayunpaman, tiniyak ng Department of Health Region 7 (DOH-7) sa publiko na may kakayahan ang Bureau of Quarantine at mga local health units, sa kabila ng kinatatakutang coronavirus mula sa Wuhan, China.