-- Advertisements --
image 228

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasa mahigit kalahati na mula sa 7000 taunang alokasyon ng nurses ang ipinadala na sa ibayong dagat sa loob lamang ng limang buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, nitong buwan ng Mayo, umaabot na sa 4,000 nurses ang nadeploy abroad.

Sinabi ni Sec. Ople na mataas kasi ngayon ang demand sa mga Pilipinong nurses sa Canada gayundin sa United Arab Emirates at Vienna, Austria.

Ito aniya ang mga piniling bansa ng mga may eksperyensadong Pilipinong nurse na nais nilang magtrabaho.

Kaugnay nito, target aniya ng kalihim na magkaroon ng dayalogo sa relevant agencies at iba pang key players para makabuo ng solusyon na maghihikayat sa mga nurse na manatili na lamang sa Pilipinas at hindi na kailangan pang mangibang bansa.

Isa rito ay tinatrabaho na aniya ng ahensiya ang scholarship program para matulungan ang mga nursing students mula sa mahihirap na pamilya.

Ito ay popondohan ng mga partner coutries at pribadong sektor na papangunahan ng Commission on Higher Education at tutulong din ang DMW sa paghahanap ng pondo para sa scholarship.

Ayon kay Ople sakop sa naturang programa ang junior at senior nursing students.

Kaugnay nito, na-tap na aniya ang gobyerno ng Canada at inaantay na lamang ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay sa partikular na mga probisyon ng programa.

Ang iba pang mga bansa na nagpahayag ng pagiging bukas para pondohan ang programa ay ang Amerika , Japan at Singapore.

Target ng kalihim na malagdaan ang kasunduan sa mga nasabing bansa kaugnay sa programa bago matapos ang Hunyo.