-- Advertisements --

Aabot na sa 488 clustering of cases ng COVID-19 ang naitala at binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH).

Batay sa data ng ahensya, 379 clustered cases ang mula sa mga komunidad. 46 sa mga health facilities, 39 sa “other areas,” at 24 sa jail facilities.

Mula sa nasabing total, 35 na bagong clustered cases ang naitala mula noong Lunes hanggang Miyerkules.

Kabilang na dito ang 32 sa iba’t-ibang komunidad, at tig-iisang bagong clustered cases sa health facility, kulungan, at “other areas.”

Nitong Miyerkules nang makapagtala ang DOH ng bagong record high na 2,539 new cases ng COVID-19 sa bansa, kasabay ng pagpalo sa 50,359 nang total confirmed cases.

Ayon sa ahensya, kasali sa numero ng new cases ang mga naitalang nag-positibo sa MRT-3 at isang construction site, at tuloy-tuloy na clustering sa ilang barangay.

“The event-based surveillance report showed the following: NCR had 6 new barangays with clustering, 1 in Cebu City, 1 in Mandaue City, 1 in Palawan, and 1 in Albay,” paliwanag ng DOH.

Una nang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na ang matataas na bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga linggo ay hindi na lang dahil sa increased testing.

“This is not just because we are testing more but because there are really clustering of cases that we have been identifying for these past days; but this is really a result of community transmission.”