-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nasa 46 na Bangladeshi nationals ang nailigtas ng mga Pinoy seafarers matapos na masiraan ang mga ito ng bangka at nagpalutang-lutang sa gitna ng Mediterreanian Sea.

Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo kay Ship Captain Jesus “Kadil” Teodosio, tubong bayan ng Balete, Aklan na nakatanggap sila ng tawag mula sa Maritime Rescue Coordinating Center sa Rome, Italy habang papunta ang kanila barko sa Valencia, Spain mula sa bansang Egypt na may distressed boat at nangangailangan ng tulong.

Kaugnay nito, kaagad niyang pinulong ang kaniyang tauhan at kahit isa sa mga ito ay walang tumanggi na tumulong kahit na may pangamba ng COVID-19 at monkeypox virus.

Kaagad aniya silang nagplano para sa rescue operation at naisalba ang mga dayuhan na kung saan, siyam sa mga ito ay nanghihina na at sa tingin nila ay hindi na abutan ng kinaumagahan kapag manatili pa ang ito sa dagat dahil sa gutom at dehydration.

Batay sa kanilang imbestigasyon, ang mga Bangladeshi ay nag apply ng trabaho sa Libya upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa pang araw-araw dahil sa hirap ng buhay sa Bangladesh.

Ngunit, minaltrato umano sila at binugbog kung kaya’t nagdesisyon ang mga ito na tumakas gamit ang nabili nilang bangka mula sa kapiranggot na naipon sa kanilang sahod.

Nagsiksikan ang mga ito sa bangka ngunit pagdating sa kalagitnaan ng dagat ay nasiraan sila at naubusan pa ng gasolina.

Pagkarescue ng mga pinoy seafarers sa mga workers ay kaagad nila itong itinawid sa Sicily, Italy at itinurn-over sa kaukulang ahensya na makatulong sa kanila.