ILOILO CITY – Umaabot sa 42,000 na estudyante sa lalawigan ng Iloilo ang nasa ‘frustration level’ kung reading comprehension ang pag-uusapan.

Ang frustration level ang nangangahulugan na marunong magbasa ang isang estudyante ngunit hirap itong makaunawa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Roel Bermejo, Iloilo Schools Division Superintendent, sinabi nito na mayroong isinagawang Philippine Informal Reading Inventory Manual pre-test sa 1st quarter ng school year.

Kabilang sa mga estudyante na binigyan ng manual pre-test sa english ay ang Grade 4-6 samantalang Pilipino naman ang ibinigay na pagsusulit sa Grade 3-6.

Inihayag ni Bermejo na hindi dapat na ikaalarma ang nasabing resulta dahil pre-test pa lamang ito at bago ang reading material na ibinigay.

Ang Philippine Informal Reading Inventory Manual ayon kay Bermejo ay hindi lamang assessment tool sa pagtukoy ng ‘holistic reading performance’ ng estudyante ngunit malalaman rin kung paano matulungan ang mga estudyante upang mapalawak ang kanilang reading skills.

Sa kabila nito, target naman ng Department of Education na maabot ang ‘instructional level’ sa pamamagitan ng teacher-directed instruction at ‘independent level’ kung saan halos perfect ang oral reading at comprehension ng bawat estudyante.