Nag-iwan ng apat na patay ang engkuwentro kaninang alas-3:50 ng madaling araw sa Barangay Bagong Silang, Plaridel, Bulacan.

Sa report ng Bulacan-Philippine National Police (PNP), pabalik na sa kaniyang sasakyan ang biktima matapos bumili sa isang convenience store sa Barangay Banga Dos nang bigla itong tutukan ng baril ng dalawang lalaki na naka-bonnet.

Puwersahang kinuha ang susi ng sasakyan ng biktima at saka pinatakbo ng mga suspek.

Kaagad namang nag-report ang biktima sa pulisya kaya’t naglabas ng alarma ang PNP.

Ayon kay Police Regional Office-3 acting regional director Police Brigadier General Leonardo Cesneros, nang mai-flash alarm ang plaka ng ninakaw na sasakyan ay namataan ito ng mga pulis ang sasakyan na umiwas sa checkpoint sa Bypass Road.

Pagdating ng inalarmang sasakyan na may plate number na AHA 2068 sa NIA Road sa Barangay Bagong Silang, hinarang ito ng kapulisan.

Pero una raw nagpaputok ng baril ang mga suspek at tsaka gumanti ang pulisya na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Nakuha sa armadong grupo ang dalawang caliber .38 na baril, isang caliber .45 na baril at isang Uzi submachine gun.

Isang pulis ang nasugatan pero maayos na ang kondisyon nito.

Iniimbestigahan na ng PNP kung anong grupo kabilang ang mga napatay na carnapper.

Naniniwala naman si Cesneros na posibleng bagong carnapping group ito na sangkot din sa gun-for-hire operation at panghoholdap.