CAUAYAN CITY – Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng dalawang lalaki matapos manggulo at mag-amok dahilan upang masugatan ang tatlong tao kabilang na ang isang pulis sa Purok 5, Brgy. San Pedro, Tumauini,Isabela..

Ang mga suspek ay sina Jay-ar Mercado ,23 anyos, binata, estudyante at Jeffrey Mercado , 29 anyos, may asawa, laborer na pawang residente ng nabanggit na barangay.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan Kay Police Staff Sgt. Joel Allapitan, imbestigador ng Tumauini Police Station, nag-inuman ang mga suspek kasama ang iba pa sa likod ng bahay na pagmamay-ari ni Heidi Apostol at makalipas ng ilang sandali ay nagsisigaw at nagsimulang maghagis ng iba’t ibang mga bagay tulad ng bato, bote at iba pang mga bagay sa nasabing bahay ang mga suspek.

Tinangka pa silang awatin ng dalawang residente ngunit hindi nagpapigil ang mga ito dahilan para magtamo sila ng mga sugat.

Tumugon naman sa lugar ang mga pulis para pigilan ang panggugulo at pang-aamok ng mga suspek ngunit sa halip na tumigil ay binastos at pinagsusuntok ng mga suspek ang mga pulis dahilan upang magtamo ng injury sa kaliwang braso si Police Patrolman Efren Reyes.

Bukod sa tatlong tao na nasugatan ay nagtamo rin ng sugat mula sa mga inihagis na mga bagay ng mga suspek ang may-ari ng bahay.

Lumabas sa pagsisiyasat na bukod sa nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ay may sama rin umano ng loob ang mga suspek sa may-ari ng bahay.

Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng mga kasapi ng pulisya ang kabuaang halaga ng pinsala sa lugar habang dinala na rin sa himpilan ng Tumauini Police Station ang mga suspek na nahaharap sa Kasong direct assault, malicious mischief at alarm and scandal.