CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng militar at pulisya laban sa mga pinaniniwalaang New People’s Army (NPA) na nagpasabog ng improvised explosive device sa isang patrol car sa may Crossing Cabulohan, Cabanglasan, Bukidnon.

Sakay ng patrol car ang apat na pulis na sina PSMS Dan M Politud, P/Cpl. Brian C Pabonita, P/Cpl. Kenneth Gallopin, at Efren A. Flores Jr., nang mangyari ang explosion incident ngunit walang nasugatan.

Base sa report, nagsagawa ng follow-up investigation ang mga pulis sa nasabing lugar dahil sa ginawang pagpang-harass ng mga armadong grupo na ikinasugat ng dalawang pulis na sina P/Ssg Junmark Suico at Patrolman Alvin Claunan.

Nagalit umano ang NPA sa mga pulis at militar dahil sa isinasagawa nilang mahigpit na checkpoint may kaugnayan sa coronavirus pandemic kung kaya hindi makapasok ang kanilang mga rasyon sa kabundukan.

Napag-alaman na mabilis na nakatakas ang mga suspek nang pinaulanan sila ng bala ng mga pulis.