Reading Time: 1 minute

Arestado ang apat na pulis sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police (PNP) na dating Counter Intelligence Task Force.

Ayon kay IMEG Dir. Police Col. Romeo Caramat, nahuli ang apat na pulis alas-10:00 kagabi sa Barangay Bagong Lipunan, Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Caramat ang mga naaresto na sina Police Staff Sergeant Erwin Gobis, Police Senior Master Sergeant Demetrio Laroya, at Police Corporal Ariel Pasion na pawang nakatalaga sa PNP Health Service sa Camp Crame; at Police Staff Sergeant Gerry Ocampo ng PNP Crime Lab.

Nadakip din ang non-uniformed personnel na si Leo Ocinar, dating pulis na si Fidel Agustin at isang Teddy Carpio, na may-ari ng establishment na nag-o-operate ng online sabong.

Narekober ng IMEG ang mga perang pantaya na nagkakahalaga ng mahigit P14,000, dalawang television set na ginagamit sa online gambling, digital video recorder, betting ticket, dalawang digital box at 23 bote ng alak.

Nasa kustodiya na ng IMEG ang mga pulis na mahaharap sa paglabag sa PD 1602 at drinking in public place.

Una nang nagbabala si PNP Chief Oscar Albayalde na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom sa public places ng mga pulis at ang pagtungo sa mga casino.