Apat na bandido ang nasawi sa dalawang magkahiwalay na sagupaan kahapon, Sabado May 6,2017 sa Sumisip, Basilan.

Ito ang kinumpirma ni Western Mindanao Command (Wesmincom) spokesperson Capt. Joann Petinglay.

Sinabi ni Petinglay na ang unang sagupaan na naitala ay bandang alas-2:00 ng hapon sa may Barangay Upper Benengbengan at sinundan ito bandang alas-9:00 ng gabi sa may Barangay Cabcaban.

Bukod sa tinamong casualties ng ASG, nakubkob din ng militar ang isang temporary encampment ng bandidong grupo.

Mariin naman itinanggi ni Petinglay na mayroong sundalo ang nasawi sa labanan kagabi.

-- Advertisement --

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang hot pursuit operations ng mga sundalo laban sa mga nakasagupang bandido.

Dahil sa pagsiklab ng panibagong labanan, hinigpitan pa ng militar ang seguridad sa lugar at nagtalaga na rin ng mga checkpoints sa mga posibleng entry at exit points.

Tinutukoy pa sa ngayon ng militar kung kaninong ASG group ang nakalaban ng mga sundalo mula sa 4th Special Forces Battalion at 18th Infantry Battalion.