(Update) BAGUIO CITY – Nadagdagan ang bilang ng mga nasawi sa pagkaaksidente ng isang jeep sa Suello Village, Baguio City kahapon, na sinakyan ng mga campaigners ng isang tumatakbo sa pagka-kongresista sa lungsod.

Sa ngayon ay apat na ang patay na nagngangalang Julia Labi, Elizabeth Panis, Rechilda Abaigar, at Adelina Agsaoay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Police Staff Sergeant Ruben Sotelo, isa sa mga imbestigador sa aksidente, nananatili naman aniya sa pagamutan ang 23 kataong nasugatan.

Kung maaalala, patungo sana sa San Carlos Height, Irisan, Baguio City ang jeep para mangampanya nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay Sotelo, hindi nakontrol ng driver ang preno nang nakarating ang sasakyan sa pababang bahagi ng kalsada na nagresulta sa pagkabangga nito sa concrete barrier hanggang sa tuluyang natumba.

-- Advertisement --

Sa ngayon ay pinag-iisipan pa ng mga kaanak ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa driver.