CAGAYAN DE ORO CITY – Idineklarang pesona non-grata ng apat na barangay ng Bukidnon ang teroristang CPP-NPA-NDF.

Ito’y kinabibilangan ng Barangay Linabo, Brgy Lipa, Brgy Lumintao at Brgy Sta. Felomina sa bayan ng Quezon sa nasabing probinsiya.

Ayon kay 88IB Commanding Officer LTC Frank Fabic na mismo ang mga kapitan ng naturang barangay kasama ang nasa 333 na mga miyembro ng Hingpit na Organisadong Masa (HOM) na tinaguriang supporter ng makaliwang grupo ang nagdeklara sa NPA na persona non-grata.

Sinabi ni Fabic sa Bombo Radyo na sa kanilang ginawang dayalogo, ipinahiwatig ng mga residente ang kanilang pagkasuklam sa mga illegal na gawain ng mga rebelde tulad nang pangingikil, pagpatay at iba pa.

Aniya, binawi rin ng mga residente ang kanilang suporta sa CPP-NPA at lumagda ng wall of commitment sa pamahalaan.

Ipinangako rin ng mga kasapi ng Hingpit na Organisadong Masa ang pagsuporta sa lahat nang programa ng militar na para sa kanilang kaligtasan at kaunlaran.