DAVAO CITY – Patuloy pang inaalam ngayon ng pulisya kung biktima ba ng panghahalay ang isang kuwatro anyos na batang babae na nakitang palutang-lutang sa isang fishpond at wala ng buhay sa Sitio Mangani, Barangay Tapak, Paquibato, nitong lungsod ng Dabaw.

Kinilala ang biktima na si alyas Windy Man-ologan, daycare pupil at nakatira sa nasabing lugar.

Base sa report ng Paquibato Police station, napansin na lamang ng mga magulang ng bata na nawawala ang kanilang anak sa hinihigaan nito ala una ng madaling araw.

Matapos ang ilang oras na paghahanap ng magulang kasama ng kanilang mga kapitbahay, bigo sila na makita ang nawawalang bata.

Ngunit nang mag-umaga na, nakita na ang bata na palutang-lutang sa isang fish pond na hindi gaanong malayo mula sa kanilang bahay at wala na itong damit.

Una ng pinaniniwalaang nalunod ang biktima ngunit nakita ng kapulisan ang mga sugat sa bibig at nabago umano ang porma ng ari ng bata dahilan na pinaghihinalaang biktima ito ng panggagahasa.

Itinakdang isailalim ang katawan ng apat na taong gulang na bata sa otopsiya.