Egon Cayosa
IBP President Egon Cayosa/ FB image

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng preliminary conference ang Korte Suprema kasama ang 37 petitioners ng anti terror law.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo ‘Egon” Cayosa, pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) national chapter na sa isinagawang preliminary conference ay binigyan ng Korte Suprema ng guidance ang 37 petitioners para sa maayos na presentation ng mga argumento.

Aniya, kabilang sa mga pangunahing pagdedebatihan ay ang procedural ng batas, ang depenisyon ng terorismo sa Section 4 at ang pagbibigay ng kapangyarihan sa anti terrorist council na mag-authorized ng arrest at detention ng 30 araw na hindi puwedeng dalhin sa korte.

Sinabi ni Atty. Cayosa na kasabay ng preliminary conference kahapon ay naghain na ng joint motion ang mga petitioners para desisyunan na ng Korte Suprema ang pakiusap nila na ipagpaliban muna ang pagpapatupad sa naturang batas hangga’t hindi pa nareresolba ang kaso.

Bukod naman sa mga petitioners ay dumalo rin si Solicitor General Jose Calida sa naturang preliminary conference.

Samantala, sinabi ng pangulo ng IBP na wala silang impormasyon kung bakit ipinagpaliban sa Enero 2021 ang oral argument sa anti-terror law na isasagawa sana ngayong buwan ng Nobyembre.

Maari aniyang dahil kailangan itong paghandaan ng mabuti lalo na at seryoso ang usaping ito o di kaya ay puwede ring dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Dagdag nito na maganda ring ipinagpaliban ang oral argument para makapaghanda pa ang mga petitioners.

Sa ngayon ay hindi pa napagpapasyahan kung isasapubliko ang isasagawang oral argument.