incoming PMA cadets 2

BAGUIO CITY – Nagsimula nang sumailalim sa mga existing COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) guidelines na ipinalabas ng national government ang nasa 350 incoming cadets na bubuo sa Philippine Military Academy (PMA) Class of 2024.

Ayon kay PMA information officer Maj. Cherryl Tindog, sa tulong ng mga unified commands sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay makakasiguro silang lahat ng mga alituntunin sa pagtanggap nila sa mga incoming cadets ay ganap na ipapatupad at naaayon sa protocol ng Department of Health.

Kabilang dito ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test at mandatory 14-day quarantine bago sila payagang bumiyahe patungo sa Fort Del Pilar sa Baguio City.

Una rito, ipinag-utos na ng PMA sa mga incoming cadets na dapat mag-report ang mga ito sa mga unified command headquarters na malapit sa kanilang tahanan noong May 31 kung saan doon sila isasailalim sa mandatory 7-day quarantine bago ililipat sa hiwalay na training facility para sa karagdagang seven-day quarantine.

Sinabi ni Tindog na papayagang bumiyahe pa-Baguio ang mga incoming cadets na magnenegatibo sa RT-PCR test matapos ang kanilang quarantine.

Habang ang mga magpopositibo ay mananatili sa quarantine at sasailalim sa mga kaukulang protocols sa loob ng mga unified command camps kung saan kakailanganin ng mga ito ang medical clearance bago sila tatanggapin ng akademya.

Aniya, lahat ng mga medically-cleared incoming cadets matapos ang mandatory quarantine ng mga ito ay dederetso ng Fort del Pilar para sa kanilang traditional reception rites.

Kaagad din aniya silang ihihiwalay mula sa lahat ng miyembro ng Cadet Corps of the Armed Forces of the Philippines habang sumasailalim sila ng pagsasanay.

Samantala, sinabi ni Tindog na sa loob ng akademya ay patuloy na ipinapatupad ang lahat ng mga hakbang na naaayon sa established COVID-19 prevention protocols at scientific studies.

Partikular dito ang mga aspeto ng pagsasanay at edukasyon para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng mga kadete at ng buong komunidad ng PMA na sa ngayon ay nananatili sarado sa general public.