Ligtas na nakabalik sa bansa ang nasa 342 na Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya mula sa Gitnang Silangan, kung saan agad silang sinalubong ng komprehensibong tulong medikal mula sa Department of Health (DOH).
Pasado alas-3:00 ng hapon kahapon, Abril 10, nang lumapag mula sa Abu Dhabi ang mga umuwing Pilipino.
Ito na ang ika-walong chartered flight na inorganisa ng pambansang pamahalaan upang mailikas ang mga kababayang naipit sa lumalalang sigalot sa rehiyon.
Pinangunahan ni DOH Secretary Ted Herbosa, katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), ang pagsalubong sa mga repatriates.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang maayos na kalagayan ng mga umuwing Pilipino, agad na nagkasa ng medical desk ang National Center for Mental Health.
Sumailalim ang mga OFWs sa libreng konsultasyon, blood pressure monitoring, at glucose testing.
Binigyan din ng prayoridad ang pag-aalok ng mental health at psychosocial support upang matulungan silang makabangon mula sa trauma ng giyera.
Kasabay nito, namahagi ang ahensya ng mga libreng gamot, kabilang ang mga pain reliever at lunas para sa altapresyon, dehydration, at allergies.
Para naman sa mga indibidwal na natukoy na nangangailangan ng mas malalim at tuluy-tuloy na gamutan, inisaayos ng DOH ang isang referral system sa pamamagitan ng Health Emergency Management Bureau.
Titiyakin ng nasabing sistema na walang mapapabayaan sa mga repatriates sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay sa kanila sa mga health facility para sa madaliang pag-iiskedyul ng konsultasyon pag-uwi nila sa kani-kanilang mga probinsya.
















