Nagpositibo sa COVID-19 ang 34 sa 2,848 indibidwal na sumailalim sa ikalawang mass testing sa Kamara.

Ayon kay Secretary General Mark Llandro Mendoza, ang bagong COVID-19 cases na naitala sa Mababang Kapulungan ay katumbas ng positivity rate na 1.19 percent, mababa kung ikukumpara sa 5-percent positivity rate na naitala sa kanilang unang mass testing.

Halos lahat ng bagong COVID-19 cases sa Kamara ay pawang asymptomatic at sumailalim na rin sa isolation para maiwasan ang pagkalat pa lalo ng coronavirus.

Kaagad naman din aniyang nagsagawa nang tracing sa mga nakahalubilo ng mga ito.

Mula Nobyembre 10 hanggang 20 noong nakaraang taon, isinagawa ng Kamara ang unang mass testing initiative nito, halos isang buwan matapos na maupo sa puwesto si Speaker Lord Allan Velasco.

-- Advertisement --

Kabuuang 98 sa 2,000 House members at empleyado ang nagpositibo sa COVID-19 sa unang round ng mass testing, kung saan lahat ng mga ito ay pawang naka-recover na.

Ayon kay Mendoza, ang pagbaba sa bilang ng mga naitalang kaso sa ikalawang round ng mass testing ay resulta ng epektibong implementasyon ng COVID-19 management program ng Mababang Kapulungan.

Gayunman, sa kabila nito, sinabi ni Mendoza na mas striktong pagpapatupad ng health at safety protocols ang iiral sa Batasang Pambansa Complex dahil na rin sa detection ng bagong variant ng COVID-19 sa bansa.

Ang mga bisita ay kailangan na makapagpakita ng negative COVID-10 Antigent test result bago sila papayagan na makapasok sa mga opisina sa loob ng complex.

Ang mga indibidwal na pumapasok sa Kamara ay kailangan ding nakasuot ng face mask at face shield, dumaan sa mga thermal scanners at disinfection machines, at sumunod sa physical distancing sa lahat ng oras.