-- Advertisements --
PNP

Magpapatupad ng balasahan ang liderato ng Pambansang Pulisya sa mahigit 300 kapulisan nito bago ang gaganaping 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ito ay matapos na matukoy na ng PNP na mayroong 327 na mga pulis ang mayroong kamag-anak na tatakbong kandidato para sa nasabing halalan sa darating na Oktubre.

Ayon kay PNP Spokesperson PCOL Jean Fajardo, asahan nang ililipat sa ibang mga lugar ang mga pulis na may kamag-anak na kakandidato upang matiyak na walang magiging partisan politics sa naturang eleksyon.

Ngunit sa ngayon ay hindi pa aniya naisasapinal ang ipapatupad na reassignment sapagkat kasalukuyan pang hinihintay ngayon ng Pambansang Pulisya ang pagtatapos ng paghahain ng Certificate of Candidacy na nakatakda namang magsimula sa Agosto 28, 2023.

Samantala, kaugnay nito ay nilinaw naman ni Fajardo na normal lamang ang ganitong uri ng practice sa loob ng organisasyon at alam aniya ng lahat ng mga kasapi nito ang natruang protocol dahil hindi ito ang unang pagkakataon na magpapatupad ng ganito sa PNP.