Tinatayang aabot sa 30,000 o higit pang mga indibidwal na malapit sa paligid ng Bulkang Mayon ang posibleng ilikas sakaling itaas sa alert level 4 ng naturang bulkan.
Sa ngayon ay nanatiling nasa Alert Level 3 pa lamang ito.
Aabot naman sa 2, 400 na pamilya o katumbas ng halos 10,000 na indibidwal na nasa loob ng 6 kilometer Permanent Danger Zone ang target na mailikas dahil sa alert level 3.
Kabilang rito ang labing lima na barangay sa paligid ng bulkan.
Apat na barangay ay mula sa munisipalidad ng Camalig, apat rin sa Tabaco, tatlo sa Malilipot, tig isa naman sa Ligao at Guinobatan Albay.
Inaasahan rin na makumpleto ang evacuation sa loob ng dalawang araw.
Samantala, sa alert level 4 ay aabot naman sa 4,440 na pamilya o mahigit 16,000 na katao ang kinakailangan na ilikas.
Ito ay ang mga constituent na nasa loob ng 7 kilometer danger zone.
Sa isang pahayag ay binigyang diin ni Albay Public Safety and Emergency Management Office Deputy Head Eugene Escobar na ang nasabing bilang ay maaari pang madagdagan.
Nakahanda na rin aniya ng mga evacuation center sa iba’t-ibang Local Government Unit ng probinsya.
Wala namang katiyakan kung hanggang kailan mananatili sa evacuation center ang mga pamilyang inilikas.
Aniya, ito ay nakadepende pa rin sa kondisyon ng bulkang Mayon.